Roxas inatasang pangunahan ang relocation ng mga iskwater
MANILA, Philippines – Inutusan ni Pangulong Benigno Aquino III si Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas na pangunahan ang paglilipat ng mga informal settlers sa mga relocation sites, ayon sa Palasyo ngayong Lunes.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na naglabas ng Memorandum Order No. 57 ang Pangulo na inuutusan si Roxas na pangunahan ang pag-aalis ng mga informal settlers mula sa mga mapanganib at high-risk areas upang masimulan na ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig.
"The Administration's thrust is to prioritize their safety (informal settler families) in properly reassigning their residential locations after clearing the clogged waterways of our cities; and guarantee their protection and well-being in this exercise by ensuring proper coordination among government agencies concerned," nakasaad sa kautusan.
Dagdag ng memorandum na kailangang makipagtulungan ng DILG sa mga lokal na pamahalaan, Presidential Commission for the Urban Poor, National Housing Authority, at iba pang ahensyang may kinalaman sa mga pabahay.
Monthly allowance
Samantala, isinusulong naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang awtomatikong pagsasama sa conditional cash transfer (CCT) na programa ng gobyerno ang mga pamilyang maaapektuhan ng demolisyon.
Pero sinabi ni Recto na makakatanggap lamang ng buwanang CCT ang mga apektadong pamilya hangga’t nakatira sila sa lilipatang relocation sites.
Ito ang nakikitang paraan ng Senador upang maiwasang magsibalikan ang mga informal settlers sa mga estero.
"Among the poor, the homeless are the poorest, so if CCT is meant for those who have the least, then they are the ones who must get it first," sabi ni Recto.
"If we want an assistance that will help them get back on their feet, it must be of the sustained kind, like what the CCT provides. If we want them to put down roots fast in their new community, CCT can help in this 'anchoring,'" dagdag ni Recto.
- Latest
- Trending