Cavite mayors suportado ang MMDA bus terminal project
MANILA, Philippines – Buong suporta ang ibinigay ng mga alkalde ng probinsya ng Cavite sa Southwest Integrated Terminal project ng Metro Manila Development Authority Southwest Integrated Terminal project upang masugpo ang mga kolorum na bus na bumabiyahe pa-Cavite-Maynila.
"We will do our best to explain to our constituents and the bus operators the benefits of this terminal project," pahayag ni Noveleta Mayor Enrico Alvarez sa pagpupulong ng mga alkalde kay MMDA chairman Francis Tolentino sa Makati City.
Lumagda ang Cavite Mayors' League ng isang manifesto upang ipakita ang kanilang pagsuporta sa MMDA upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Malaki ang pasasalamat ng Cavite mayors kay Pangulong Benigno Aquino III na pumirma sa Executive Order No. 67 upang magkaroon ng integrated transport system sa Metro Manila.
Ikinatuwa ri ng mga alkalde ang ginawang petisyon ni Tolentino sa Land Transportation Franchising Regulatory Board na ibaba ang pamasahe ng mga bus maaapektuhan ng Southwest Integrated Terminal na bubuksan at ipapatupad sa Agosto 6.
Kung maaprubahan ay sinabi ni Alvarez na makakatulong ito sa publiko na magdodoble ang sakay patungong Roxas Boulevard at Lawton sa Maynila.
"This integrated terminal is only part of our concerted effort to address the traffic problem of Metro Manila," sabi ni Tolentino.
Malawak ang terminal sa Parañaque City na kayang tanggapin ang 955 pampasaherong bus na may biyaheng Cavite at Batangas kada araw.
Isa lamang ang Southwest Integrated Terminal sa tatlong planong terminal ng MMDA upang pagbawalan ang mga provincial bus na pumasok sa Metro Manila na inaasahang magreresulta sa pagluwag ng trapiko.
Nakatakdang buksan ang dalawa pang terminal sa Trinoma Mall sa Quezon City para sa mga bus na galing ng Hilagang Luzon at isa sa Alabang, Muntinlupa para sa mga galing sa Katimugang Luzon.
- Latest
- Trending