Del Rosario sa girian sa China: 'Tapusin na'
MANILA, Philippines – Kung si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario lamang ang tatanungin ay nais na niyang matapos ang girian sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
"What I think about that (tussle) is that should end," sabi ni Del Rosario sa isang ambush interview ng Philstar.com matapos ilahad ni Pangulong Benigno Aquino ang kanyang ikaapat na State of the Nation Address kahapon sa Batasang Pambansa.
Aniya mas magandang manahimik na lamang ang dalawang kampo dahil gumugulong na ang kaso sa arbitration court.
"We define the core issue that is China's position of indisputable sovereignty and that is what is being dealt with in arbitration," dagdag ni Del Rosario.
Sa SONA ni Aquino ay nakatanggap ng papuri si Del Rosario dahil sa dedikasyon nito sa kanyang trabaho.
"Pagkatapos niyang manumpa bilang Foreign Affairs Secretary, kumuha lang yata ng pambihis, lumipad agad si Secretary del Rosario patungong Libya; dumaan sa mahigit dalawampung checkpoint sa gitna ng putukan, at pinamunuan ang paglikas ng mahigit dalawampung libong Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Libya," papuri ni Aquino.
Malaki ang pasasalamat ni Aquino na tinanggap ni Del Rosario ang posisyon kung saan nagampanan niya ito ng maayos.
Laman ng balita nitong mga nakaraang linggo ang palitan ng patutsada ng Pilipinas at China sa isa’t isa.
- Latest
- Trending