1 utas, 4 sugatan sa pagsabog sa Cotabato
MANILA, Philippines – Utas ang isang manager ng restaurant habang sugatan apat pang katao sa magkasunod na pagsabog sa Cotabato City nitong Martes ng gabi, bisperas ng Ramadan.
Naniniwala ang mga intelligence officials ng Army na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasa likod ng dalawang pagsabog kasunod ng pagkatalo nito sa engkwentro nila noong nakaraang linggo sa Pikit, North Cotabato at Saidona, Maguindanao.
Binawian ng buhay si Reynaldo Pascua, manager ng roadside Cafe Florencio, habang ginagamot sa Cotabato Regional Medical Center.
Nakilala ang mga sugatang biktima sa pagsabog ng 40MM grenade na ang off-duty na sundalo na si Cornelio Inocentes Jr. at mga sibilyang sina James Bryan Fernando, Aileen Coquia at Lynnete Guerra.
Isa pang pagsabog ang naganap sa bakanteng lote sa kalye ng Mañara sa lungsod pa rin ng Cotabato. Wala namang naiulat na nasaktan sa pagsabog ngunit nagdulot ito ng matinding takot sa mga residente.
Kahapon lamang ay isang “low-level explosive†ang sumabog sa likod ng isang fast food chain sa Sinsuat Avenue, habang noong kamakalawa ay sinubukang pasabugin ng BIFF ang tulay sa Barangay Magaslong, Datu Piang, Maguindanao.
Samantala, sinabi ng militar nitong kamakalawa na patuloy nilang tutugisin ang mga miyembro ng BIFF kahit panahon ng Ramadan.
Kaugnay na balita: Pagtugis sa BIFF tuloy kahit Ramadan
Pero niliniaw ni AFP public affairs office chief Lt. Col. Ramon Zagala na magiging maingat sila at gagawin ang lahat upang hindi maapektuhan ang sagradong okasyon ng mga Muslim.
"Our offensives are only directed against an enemy (BIFF) that has no known religion," sabi ni Zagala.
- Latest
- Trending