2 parak, 1 pa tiklo sa pagtutulak ng shabu sa CDO
MANILA, Philippines – Timbog ang dalawang pulis at isang sibilyan sa sting operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Cagayan de Oro.
Nasakote ang mga suspek na sina Police Officer 1 Santiago Lumancas, 41, ng Woodland Subdivision, Buena Oro; at Police Officer 3 Bangcola Manangkawal, 40, ng Villa Angela Subdivision, Balulang.
Kapwa miyembro ng Police Regional Office-10 Regional Headquarters Service Support Group ang dalawang suspek.
Nakuha mula kay Lumancas ang apat na pakete ng shabu na may bigat na 20 gramo at nagkakahalaga ng P160,000 sa isinagawang entrapment operation sa Woodland Subdivision, Buena Oro, Macasandig Cagayan de Oro, noong kamakalawa bandang 6:30 ng gabi.
Hinuli rin ng mga awtoridad ang kasamahan ni Lumancas na si Crisanto Lagunero, 28.
Kinumpiska rin mula sa kina Lumancas at Lagunero ang dalawang kalibre .45 pistol na kargado ng limang bala, M16 assault rifle na may 20 bala, cellphone, at P5,000 buy-bust money.
Samantala, sa follow-up operation naman natimbog si Manangkawal sa Carmen, Cagayan de Oro City.
Nabawi mula kay Manangkawal ang 50 gramo ng shabu na may halagang P400,000, kalibre .45 pistol at Toyota Innova (ZDC-139).
Nasa kustodiya na ng PDEA ang tatlong suspek at nahaharap sa kasong pagtutulak ng droga.
Umabot na sa walong pulis ang nadadakip ng PDEA dahil sa pagtutulak ng droga mula noong Enero.
- Latest
- Trending