Detalye ng MRT, LRT fare hike hiniling isapubliko
MANILA, Philippines – Hiniling ng militanteng grupong Bayan ngayong Lunes sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na ibigay sa kanila ang detalye ng planong pagtataas ng pamasahe sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit na ipatutupad sa Agosto.
Nais malaman ng Bayan kung ano ang basehan ng pagtataas ng pamasahe; kung legal ba ito at kung saan mapupunta ang kikitain nito.
Humingi rin ang grupo kay DOTC chief Joseph Abaya ng kopya ng mga patakaran tngkol sa public consultation o public hearing para sa pagtataas ng pamasahe.
"We hope you could also provide these information to the general public to allow any interested party to question the fare hike during the ‘public consultations’ or other venues," sabi ng Bayan sa kanilang liham kay Abaya.
Samantala, nagtipon sa labas ng opisina ng DOTC sa Ortigas, Mandaluyong City ang mga miyembro ng Bayan at Riles Network upang iprotesta ang dagdag P10 na pamasahe sa MRT at LRT.
Sinabi naman ng DOTC at Light Railway Authority na gagamitin ang kikitain sa pagpapaayos ng mga tren at pagpapaganda ng mga kagamitan at magbibigay daan din ito sa pagbubukas ng bagong istasyon sa Cavite at Rizal.
Pero para sa grupong Bayan ay gagamitin lamang ng gobyerno ang kikitain sa pagtataas ng pamasahe bilang pamalit sa pondong nawala dahil sa subsidiya na umaabot sa P6 bilyon hanggang P9 bilyon.
Dagdag ng Bayan na papasanin ng publiko ang pagbabayad ng gobyerno sa mga nawalang pondo.
- Latest
- Trending