Babaeng tauhan ng PDEA, 2 suspek, sugatan sa test-buy ops
MANILA, Philippines – Sugatan ang isang babaeng tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at dalawang hinihinalang tulak ng droga sa isang test-buy operation sa Cavite, ayon sa ahensya ngayong Huwebes.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na nasugatan sa operasyon ang tauhan na si Jennifer Quintana at dalawang suspek na nakilalang sina Pundato Bao, 29, at Joyce Almaden Merillo, 22, na kapwa residente ng Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa ulat ay nagsagawa ng test-buy operation ang PDEA sa panulukan ng kalye ng I. Mangubat at Don Placido Campos Avenue noong Hunyo 15 upang kumpirmahin ang natanggap na ulat na malakihang magbenta ng shabu ang mga suspek.
Sinubukang bumili ni Quintana at ng isa impormante ng shabu sa loob ng nakagaraheng puting Hyundai na sasakyan ng mga suspek sa kalye ng I. Mangubat.
Habang nagkakabentahan ng shabu ay pinatakbo ng mga suspek ang sasakyan patungong Barangay Datu Ismael.
Kaagad hinabol ng back-up team ang Hyundai na sasakyan ng mga suspek at hinarangan ito ngunit humarurot naman paatras ang mga suspek bago sumalpok sa isang delivery truck.
Hindi pa natapos ang habulan dahil sinubukan pa ring tumakas ng mga suspek hanggang sa bumangga ito ulit sa isang concrete phone switch board box sa lugar.
Sugatan ang babaeng ahente ng PDEA at dalawang suspek sa insidente. Nasamsam kay Bao ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu na dinala na sa PDEA Laboratory Service para sa eksaminasyon.
- Latest
- Trending