Piston nagprotesta sa opisina ng Shell sa Makati
MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta ang militanteng grupong Piston ngayong Huwebes sa harap ng opisina ng Shell upang ireklamo ang panibagong pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Nagtipon ang mga tsuper sa harap ng head office ng Shell sa Valero Street, Salcedo Village sa lungsod ng Makati bandang 10:30 ng umaga.
Sinabi ni Piston head George San Mateo na inirereklamo nila ang panibagong dagdag sa presyo ng petrolyo, P1.45 kada litro sa diesel at P1.05 kada litro sa gasolina.
Aniya umabot na sa P3.25 at P3.35 kada litro ng diesel at gasolina ang itinaas ng mga kompanya ng langis.
Base sa pagsasaliklik ng Piston ay aabot na sa P41.40 ang halaga ng diesel kada litro habang nasa P51.55 naman ang gasolina.
Sinabi pa ni San Mateo na mas mataas ng P6 at P9 ang halaga ng diesel at gasolina dito sa Maynila kumpara sa Visayas at Mindanao.
Pero iginiit ng grupo na hindi pa rin sila maghahayin ng petisyon upang itaas ang pamasahe.
- Latest
- Trending