Mar pangungunahan ang flood drill sa Pasay City
MANILA, Philippines – Pangungunahan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang magkakasabay na flood drills ngayong Biyernes sa mga barangay sa Metro Manila, partikular sa mga lugar na malapit sa mga ilog at estero.
Dadalo si Roxas sa flood drill sa Barangay 201 sa Tripa de Gallina, isa sa pinakamaraming residente sa lungsod ng Pasay na aabot sa 13,000 na informal settlers.
Ang nasabing proyekto ay parte ng pagsisikap ng gobyerno na paigtingin ang disaster risk reduction and management upang masiguro ang kahandaan ng mga informal settlers tuwing panahon ng tag-ulan.
Sinabi ni Roxas na target ng mga ahensya ng gobyerno na maabot ang “zero casualty†tuwing may kalamidad.
Sisiguraduhin sa gagawing drill na gumagana at epektibo ang mga early warning system sa mga lugar na tinatawag na “danger areas†malapit sa riverbanks na palaging binabaha.
May lawak na 335,500 square meters ang barngay sa may Estero Tripa de Gallina, isang makipot na daluyan ng tubig mula lungsod ng Pasay, Paranaque at Maynila at isa sa 47 na sanga ng ilog Pasig.
Aabot naman sa 2,000 pamilya ang nakatira sa estero ayon sa tantiya ng DILG.
Sinabi ni Roxas na 100 pamilya kada barangay ang inaasahang makikilahok sa flood drill sa pakikipagtulungan ng mga lokal na opisyal ng disaster risk reduction management at mga lokal na gobyerno.
"As the rainy season looms, we prepare with optimism that no life shall again be lost due to complacency and disregard to the vulnerability of the urban poor," pahayag ni Roxas.
Aniya gagawin ang flood drill sa anim na pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila kabilang ang 7.3 kilometro na San Juan River, ang 15-km Tullahan River sa lungsod ng Malabon at Valenzuela, Manggahan Floodway sa lungsod ng Pasig, 2.6 km sa Maricaban Creek sa lungsod ng Taguig at Pasay, at Estero de Gallina, at ang 25 km na ilog Pasig na nagkokonekta sa Manila Bay at Laguna de Bay.
- Latest
- Trending