Pagdami ng child laborers dahil sa kahirapan, pabayang magulang
MANILA, Philippines - Ang pagdami ng mga nagtatrabahong bata o child workers ay indikasyong lumalala pa ang kahirapan sa bansa, ayon sa mga opisyal ng simbahang Katoliko ngayong Huwebes.
Bukod dito ay isinisisi ni Diocese of Borongan Bishop Crispin Vasquez ang pagdami ng child laborers sa mga pabayang magulang.
Base sa datos ng National Statistics Office, umakyat na sa 5.5 milyon ang bilang ng mga child laborers sa bansa.
Sinabi ni Vasquez na napipilitang magtrabaho ng mga bata dahil walang makuhang trabaho ang kanilang mga magulang. Ang iba namang magulang, isinasama ang kanilang mga anak sa pagsasaka at pangingisda sa halip na papasukin sila sa mga eskuwelahan, dagdag ng obispo.
"Actually, dalawa po ang dahilan kung bakit napipilitan ang bata na magtrabaho. Una, ang mga parents ay really irresponsible. Kaya ang mga bata ay nagsikap na mabuhay ang pamilya. Kaya tumutulong sila. Pangalawa, hindi nga enough ang income ng mga parents kaya ang mga bata tinutulungan nila ang kanilang mga magulang. Kaya ang iba ay hindi nag-aaral. Poverty and irresponsiblity ng ibang parents kaya ang mga bata ay nagtatrabaho," pahayag ng obispo sa Radyo Veritas.
Samantala, nanawagan si Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth, sa gobyerno na gumawa ng konkretong solusyon upang masugpo ang child labor.
"So, mula dito, asahan natin ang gobyerno na gumawa talaga ng mga programa at tugon sa kalagayan na ito ng mga kabataan. Sa Simbahan lagi tayong nakakaasa na magiging tinig tayo, magiging boses tayo sa pag-papaalaala na hindi ito dapat na ordinaryong kalagayan o katayuan ng mga bata," sabi ni Garganta.
- Latest
- Trending