North Cotabato isinailalim sa state of calamity
MANILA, Philippines - Isinailalim na sa state of calamity ang buong probinsya ng North Cotabato dahil sa epektong dulot ng 5.7 magnitude na lindol at magkakasunod na aftershock na tumama sa probinsya simula nitong Sabado.
Ginawa ng provincial board ng North Cotabato ang deklarasyon base sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Sinabi ni Cynthia Ortega, action officer ng PDRRMC, na ang pagdedeklara ng state of calamity ay upang maisaayos kaagad ang mga nasirang mga gusali kabilang ang mga paaralan, opisina at mga barangay hall.
Sa tantiya ng PDRRMC ay umabot na sa P75 milyon ang halaga ng pinasala ng lindol.
Dagdag ni Ortega na baka tumaas pa ito dahil patuloy pa rin ang ebalwasyon ng mga nasirang ari-arian.
Aniya halos 300 kabahayan ang nasira o gumuho dahil sa lindol, habang walong katao naman ang naiulat na nasaktan.
Sabi pa ni Ortega na kailangang sumailalim sa stress debriefing ng Department of Health ang mga residente lalo na ang mga bata at matatanda.
Upang maiwasan pang lumala ang mga sira sa lugar, ipinagbabawal nang dumaan ang mga trak na lagpas sa limang tonelada ang bigat sa Jutian at Upian bridge.
Samantala, nananatiling suspendido ang klase sa elementarya at highschool.
“Very dangerous, we have recommended the demolition of schools which suffered major cracks and collapsed walls, so classes remained suspended,†sabi ni Romelito Flores, North Cotabato Assistant Schools Division Superintendent.
Dagdag ni Flores na iniutos ni Gov. Emmylou Mendoza, ang chairperson ng PDRRMC, ang pagtatayo ng pansamantalang learning centers.
Aabot sa 200 aftershocks ang naitala ng Phivolcs at ang pinakamalakas ay nangyari kahapon na umabot sa magnitude 5.7.
Naramdaman ang ang Intesity 7 sa bayan ng Carmen, Intensity 5 sa bayan ng Matalam at Intensity 4 sa mga bayan ng President Roxas, Midsayap at Arakan sa North Cotabato at sa lungsod ng Tacuring sa probinsya ng Sultan Kudarat.
- Latest
- Trending