Siksikan pa rin sa ilang paaralan
MANILA, Philippines – Problema ang tumambad sa pagbubukas ng klase ngayong Lunes sa kabila nang sinasabi ng Department of Education na naging maayos ito.
Siksikan sa loob ng silid-aralan ang reklamo ng ilang paaralan sa Metro Manila dahil sa paglobo ng bilang ng mga estudyante.
Hindi nasunod ang target na 45 estudyante sa bawat silid-aralan kahit sa pinakamalaking pampublikong paaralan na Rizal High School (RHS) sa lungsod ng Pasig.
Ayon sa pamunuan ng RHS, umabot sa 55 estudyante bawat silid-aralan ang kanilang naitala dahil sa paglobo ng bilang ng mga mag-aaral na higit sa 10,000 ngayong taon.
Ganito rin ang pinroblema ng Commonwealth Elementary School na may 9,000 enrollees naman.
Sinabi ng pamunuan ng nasabing paaralan na inaasahan nilang lalaki pa ang bilang sa mga susunod na araw.
Bukod sa kawalan ng sapat na silid-aralan ay naging sakit din sa ulo ang pagpapatupad ng K+12 na programa ng DepEd.
Hindi malaman ng ilang pamunuan kung saan ilalagay ang mga estudyante lalo na sa mga papasok ng first at second year high school.
Sa Maynila naman ay nahirapan ang mga estudyante na hanapin ang kanilang mga section.
Sinisisi ng mga estudyante ang administrasyon ng paaralan dahil sa huling pagpapaskil ng master list ng section.
Ilang magulang pa ang naiulat na tinaggihan umano ng ilang paaralan nang subukan nilang i-enroll ang kanilang anak.
Sagot naman ni Education Assistant Secretary for Planning Jesus Mateo na hindi intension ng paaralan na tanggihan ang enrollment ng ibang bata, dahil ang ibang kaso ay isinasaalang-alang nila ang bilang ng mga estudyante sa bawat silid-aralan.
"Ayaw naman po natin na sobrang madami ang isang klase at hindi na matuto ang mga bata," sagot ni Mateo.
- Latest
- Trending