Unyon ng mga empleyado ng MMDA, kinalampag ang ahensya
MANILA, Philippines – Nanawagan ang unyon ng mga empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority ngayong Miyerkules sa pamunuan ng ahensya na sundin ang desisyon ng Civil Service Commission na ibalik sa puwesto ang ilang suspendidong tauhan ng ahensya.
Sinabi ni KKK-MMDA president Mar Araba na base sa desisyon na inilabas noong Mayo 14 ay binaligtad nito ang suspensyon sa ilang tauhan ng ahensya.
"Kaugnay nito ay nararapat na ibigay ang mga sweldo at benepisyong ipinagkait sa kanila," sabi ni Araba.
Ayon kay Araba, sinuspinde ni MMDA chairman Francis Tolentino ang ilang tauhan ng ahensya noong Disyembre 3, 2012, dahil sa kanilang protesta upang ipatupad ang collective negotiation agreement (CNA).
Hinihiling ng mga empleyado ng MMDA sa pamunuan na ibigay sa kanila ang tamang suweldo sa ilalim ng CNA na umano'y hindi sinunod ni Tolentino mula noong 2011.
"Magpapatuloy ang mas maigting na mga pagkilos ng mga kawani ng MMDA," sabi ni Araba.
"Kami rin ay hindi kontento sa mga paliwanag ng Chairman kung papaanong ang opisyal ng MMDA na may nakatakdang kita ay lumobo ng ilang ulit. Samantala, ang mga metro aide at traffic enforcers na labis nangang kulang ang sweldo ay dinarahas at pinagkakaitan ng mga lehitimong benepisyo ng pinuno ng MMDA," hinaing ni Araba.
"Kung sa akdang kathang-isip ni G. Dan Brown ay tinukoy niya ang Maynila na ‘gates to hell’ sa aming mga kawani ng MMDA ang mga patakaran ni G. Tolentino ay naglalagay sa amin sa kalagayang mala-impyerno," dagdag ni Araba.
- Latest
- Trending