Suspek na holdaper nakuhanan ng PSG ID
MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang pinaghihinalaang holdaper dahil sa pagdadala ng baril sa loob ng isang bar sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.
Bukod sa mga baril, nakuha ng mga awtoridad ang isang Presidential Security Group identification card mula sa isa sa mga suspek.
Dinakip ng mga miyembro ng Quezon City Police District ang mga suspek na sina Marvin Gaton at Bobby Atis sa loob ng isang bar sa Mindanao Avenue dahil sa paglabag sa Commission on Elections gun ban.
Nakuha ang PSG identification card kay Gaton.
Nang dalhin sa istasyon ng pulis ang dalawang suspek, lumutang ang isang Richard Tubig at kinilala sila na kabilang sa isang grupo ng mga armadong lalaki na nanloob sa kanyang auto shop.
Positibong kinilala ni Tubig at ng kanyang security guard sina Atis at Gaton na kabilang sa pitong-kataong nanloob sa auto shop at tumangay ng kanyang cellphone, laptop at iba pang gadgets.
Iginiit ni Tubig na sigurado siya na kasama ang dalawa dahil sa mga ito ang mismong naggapos sa kanya at sa kanyang security guard pagkatapos nakawan ang kanyang auto shop ng armadong grupo.
Nasamsam ang kalibre .45 pistol at assault rifle mula sa sasakyan ng dalawang suspek.
Nahaharap sina Atis at Gaton sa kasong robbery at paglabag sa election gun ban.
- Latest
- Trending