MANILA, Philippines - Nilooban ng mga hindi pa kilalang lalaki ang bahay ng isang kapitana ng barangay at ginawang hostage pa ang anak at dalawang apo nito sa Dapitan City, Zamboanga del Norte nitong Huwebes ng gabi, ayon sa pulisya.
Sinabi ng mga pulis na isa sa mga biktima ang sugatan matapos barilin ng mga suspek.
Walong armadong lalaki na sakay ng isang mini pick-up ang nanloob sa bahay ni Edna Cabilin bandang 9 ng gabi habang nakikipagpulong sa iba pang opisyal ng barangay para sa eleksyon sa Lunes.
Nakilala ang sugatang biktima na si Richie Cayongcong, 26, sekretarya ni Cabilin, na nabaril sa binti.
Sinabi ni Superintendent Jerome Afuyog, ng Dapitan City Police, umakyat sa bakod ang mga suspek at sinipa ang pintuan sa harap upang mabuksan kaya naman nagkagulo ang mga tao sa loob at kanya-kanyang nagtago.
Dagdag ni Afuyog na dinukot ng mga suspek ang dalawang apo no Cabilin at inutusan ang lahat na lumabas sa kanilang pinagtataguan.
Dahan-dahan binuksan ni Cayongcong ang pintuan ngunit nakita siya ng mga suspek at nabaril sa kaliwang binti.
Lumabas si Cabilin at inutusan ng mga suspek na ibigay ang bag niya na may lamang pera at armas.
Ngunit hindi ibinigay ni Cabilin ang kanyang bag pero natangay naman ng mga suspek ang isang laptop, dalawang Ipad, silver na bracelet, limang cellpone, at pera na may halagang P7,000 bago tumakas.
Isinugod kaagad sa ospital si Cayongcong upang gamutin.
Inaalam pa ng mga pulis kung may kinalaman sa eleksyon ang pagsalakay ng armadong kalalakihan.