Gun control bills uunahin sa 16th Congress - Belmonte
MANILA, Philippines – Isa sa kaagad tatalakayin sa pagbubukas ng 16th Congress sa Hunyo ang mga panukalang nais higpitan ang mga patakaran sa pag-aari ng baril sa bansa, ayon kay Speaker Feliciano Belmonte Jr. ngayong Biyernes.
Ang pahayag ni Belmonte ay kasunod ng paglalabas ng survey ng Pulse Asia na nagsasabing tatlo sa apat na Pilipino ay pabor sa gun control policy.
Nauna nang nanawagan si Belmonte sa mas mahigpit na patakaran sa pagdadala ng armas kung saan tanging mga pulis, militar, at mga tauhan ng security agencies lamang ang maaaring magdala.
Samantala, iginiit ng isa sa mga may-akda ng panukala sa pagkokontrol sa mga armas ang pangangailangan ng "comprehensive, sustainable and stricter" na patakaran.
Sinabi ni Marikina City 1st District Rep. Marcelino Teodoro na napakabilis lumobo ng bilang ng mga may armas kaya naman napakadali para sa mga kriminal na gumawa ng krimen.
"A gun control law must be upheld and fully enforced upon by the concerned agencies and supported by the government to eradicate criminal acts," pahayag ni Teodoro, isa sa mga may-akda ng House Bill 5484 na may panukalang pamagat na Comprehensive Firearms, Light Weapons and Ammunition Regulation Act of 2012.
Naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukala noong Enero 24, 2012 sa Kongreso at kaagad nila itong idineretso sa Senado.
Noong Pebrero 4, 2012 ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang kaparehong panukalang Senate Bill 3397 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Inamyendahan ang ng mababang kapulungan ang HB 5484 upang umayon ito sa panukalang naipasa sa Senado.
Sa ilalim ng bersyon ng Senado, maaaring makulong ng habambuhay ang mahuhuling lumabag na may ilegal na pagmamay-ari ng tatlo o higit pang armas.
Inihayin ang panukala sa Senado noong Enero kung saan kasagsagan ng mga gun-related incidents kabilang ang shooutout sa Atimonan, Quezon at ang mga biktima ng ligaw nab ala noong pagsalubong sa bagong taon.
Inilbas ng Pulse Asia survey ngayong linggo lamang na 75 porsiyento ng Pilipino ay pabor sa pagpapatupad ng gun control policy.
Base sa resulta ng pag-aaral, pitong porsiyento lamang ng 1,800 kataong tinanong ang kumontra sa nasabing isyu, habang 18 porsiyento ang hindi nakapagpasiya.
Lumabas din sa survey na 78 porsiyento ang sumasangayon na tanging mga alagad lamang ng batas at lisensyadong pribadong security guards lamang ang maaaring magdala ng armas sa mga pampublikong lugar.
Napagalamanan din na 67 porsiyento ng mga tinanong ang nagsasabing ang pagdadala ng armas ang isa sa mga rason kung bakit mataas ang bilang ng krimen sa bansa.
- Latest
- Trending