2 bagong Comelec commissioners pinangalanan
MANILA, Philippines – Nagtalaga na ng dalawang bagong Commission on Elections (Comelec) commissioner si Pangulong Benigno Aquino III ngayong Huwebes.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na ang mga abogadong sina Tito Guia at Al Parreño ang uupo sa nabakanteng puwesto nina dating Comelc commissioners Rene Sarmiento at Armando Velasco.
"The President is confident that in assuming their new positions as Commissioners, they will demonstrate integrity, probity, and independence in the conduct of their duties and further strengthen COMELEC in fulfilling its constitutional mandate to ensure free, orderly, honest, peaceful, and credible elections," pahayag ni Lacierda.
Si Guia ang acting director ng Legal Network for Truthful Elections (Lente) at isang international election consultant sa Papua New Guinea at Kenya at board member naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Parreño.
Naunang inianunsyo ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na may bago nang mga commissioner na itinalaga si Aquino, ngunit tumanggi siyang ibigay ang pangalan ng dalawang abogado.
"May report ako na mayroon nang nai-appoint. Hindi ko muna sasabihin baka magtampo sa akin eh," sabi ni Brillantes.
Sinabi ni Brillantes na inaasahan niyang magsimula sa trabaho ang dalawang opisyal sa Comelec sa Lunes.
Naunang ibinigay ni Aquino ang puwesto kay dating Lanao del Norte representative Macabangkit Lanto at election lawyer Bernadette Sardillo, ngunit tumanggi ang dalawa na tanggapin ang appointment.
- Latest
- Trending