MANILA, Philippines - Nakasamsam ang mga sundalo ng maraming materyales sa paggawa ng bomba sa nakubkuob nilang kuta ng Abu Sayyaf Group sa kagubatan ng Basilan nitong Lunes.
Sinabi ni Lt. Gen. Rey Ardo, commanding general ng Western Mindanao Command, na sa kanilang natuklasan sa training camp ng ASG sa Silangkum sa bayan ng Tipo-tipo ay napigilan na rin nila ang posibleng planong pambobomba ng mga bandito.
Ang naturang kuta ay ginamit umano ng grupo nina Abu Sayyaf commanders Isnilon Hapilon at Furuji Indama.
Anim na bandido ang naiulat na nasawi sa paglusob ng militar habang tatlong sundalo ang nasaktan sa engkwentro.
Ayon kay Ardo, mga miyembro ng elite units ng Light Reaction Company (LRC) at Army Scout Ranger ang nakatuklas sa mga materyales ng paggawa ng bomba tulad ng electronic parts, circuitry, wires, alligator clips, digital clocks sa loob ng plastic na toolbox.
Aniya, sa kanilang nakuhang mga ebidensya ay nakumpirma nila ang mga intelligence reports na sinasanay din ng naturang grupo ang mga miyembro nito sa paggawa ng mga bomba.
Hinahalughog pa rin ng mga sundalo ang kuta sa pagbabakasakaling may makita silang mga gawa nang bomba, ani Ardo.
Inamin pa ng opisyal na bagaman na pahina na ng militar ang bandidong grupo ay may kakayahan pa rin itong magsagawa ng mga pambobomba. Ito naman aniya ang dahilan kaya wala pa ring humpay ang mga operasyon nila laban sa grupo.