14 bahay sa Taguig tinupok ng sunog; 1 sugatan
MANILA, Philippines – Nag-iwan ng isang sugatan ang sunog sa Western Bicutan, Taguig City nitong Martes ng gabi kung saan 14 na bahay ang naapektuhan.
Kinilala ng Taguig City Fire Department ang nasaktan na si Roger Abrasado na nagtamo ng first degree burn sa kanyang braso at itaas na bahagi ng katawan.
Umabot sa unang alarma ang sunog na tumupok ng P150,000 halaga ng ari-arian, ayon sa Taguig City Fire Department.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog bandang 8:40 ng gabi at kaagad kumalat ito dahil gawa sa light materials ang mga bahay.
Kaagad naman rumesponde ang mga bumbero sa pinangyarihan ng sunog at naapula ito bandang 9:45 ng gabi.
Samantala, sinabi ng pinuno ng Taguig City-Department of Social Welfare and Development na si Evelyn Arago na nagbigay na sila ng tulong sa mga nasunugan.
Pansamantalang nakatira ngayon sa relocation site sa Western Bicutan ang mga nasunugan malapit sa Philippine National Construction Corp. compound.
- Latest
- Trending