Ecological assessment sa Tubbataha sinimulan
MANILA, Philippines – Sinimulan na ang ecological assessment ngayong Miyerkules sa Tubbataha Reef kung saan sumadsad ang USS Guardian noong Enero 17.
Pinangunahan ng mga divers mula sa Philippine Coast Guard at US Navy ang operasyon.
Sinabi ni PCG Palawan District head Commodore Enrico Evangelista na sasali rin sa assessment team ang mga kinatawan mula sa Coast Guard Environmental Protection Command, Tubbataha Management Office (TMO) at World Wildlife Fund.
Kukuhanan ng mga litrato ang mga nasirang bahura at maglalagay ng markers ang mga divers upang masukat kung gaano nga ba kalaki ang nasira sa UNESCO world heritage site.
Nakatakdang bumalik ang grupo sa lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan sa Biyernes.
Sumadsad sa Tubbataha Reef ang USS Guardian noong Enero 17 at sa tantiya ng TMO ay may 4,000 metro kuwadrado ng bahura ang nasira.
Matagumpay na nakalas at natanggal ang barko mula sa pagkakasadsad sa bahura nitong Sabado.
- Latest
- Trending