MANILA, Philippines – Isinisisi ng isang mambabatas sa mga walang disiplinang tsuper, publiko at mga tiwaling traffic enforcer at pulis ang kabiguan ng gobyerno na maresolbahan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Sinabi ni Association of Laborers and Employees party-list Rep. Catalina Bagasina na kahit maging matagumpay ang number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay hindi nito kayang malutas ang problemang pantrapiko sa Metro Manila.
"With all these undisciplined people on the streets, the perennial traffic problem in the metropolis will never be solved," pahayag ni Bagasina ngayong Lunes.
Aniya, kadalasan na dahilan ng pagsikip ng daloy ng trapiko ay ang mga jeep at bus drivers na hindi marunong sumunod sa mga batas trapiko.
Pinuna din ni Bagasina ang kawalan ng mga traffic enforcer tuwing gabi at kapag may masamang panahon kahit na may 2,000 enforcer ang MMDA at 500 pulis na nakatalagang bantayan ang mga kalsada.