MANILA, Philippines – Dismayado ang isang Obispo sa desisyon ng Court of Appeals (CA) sa pagbabasura ng resolusyon ng Department of Justice na kasuhan ang dating Palawan Gov. Joel Reyes dahil sa pagkamatay ng environmentalist na si Dr. Gerry Ortega.
Sinabi ni Palawan Bishop Pedro Arigo na pinatunayan lamang ng CA na mababa ang kredebilidad ng sistema ng hustisya sa bansa.
"Napakalungkot at nakakadismaya 'yang desisyon na 'yan. Kasi ang hinihiling lang naman ng grupo namin, ng civil society at saka ng pamilya Ortega, sabi nga 'a day in court,' para lang magkaroon talaga ng trial at masuri ang mga ebidensya kung may sala o wala, at sa ngayon ika nga ay very ample ang evidence at matibay ang sinasabing probable cause," pahayg ni Bishop Arigo.
Para sa Obispo, maaaring makatakas ang sinuman sa anumang pananagot sa krimen basta’t may pera at mga koneksyon.
Sinabi naman ng abogadong si Gerthie Mayo-Anda ng Palawan NGO Network na dadalhin ng pamilya ni Ortega ang kaso sa Korte Suprema dahil sa mga pangyayari.
"Ang pananaw namin ay kailangang mas ma-focus ang substantive aspect dahil ang krimen ang isyu dito. 'Yan man ang desisyon, pagkaalam ko sa Ortega family, iaakyat 'yan sa mas Mataas na Hukuman,"ani Anda sa isang panayam sa Radyo Veritas na pinapatakbo ng simbahan.
Base sa ginawang desisyon ng CA, lumabas na inabuso ni Justice Secretary Leila de Lima ang kanyang kapangyarihan sa pagbuo ng pangalawang investigating panel imbes na muling pag-aralan ang desisyon ng korte na ipawalang bisa ang kasong kriminal kina Reyes at sa kanyang kapatid na alkalde ng Coron na si Mario.