MANILA, Philippines – Aabot sa 35 degrees Celsius na temperatura ang mararanasan ngayong panahon ng tag-init, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Martes.
Sinabi ng PAGASA na magiging dominante sa weather system ang hanging mula sa silangan o ang easterlies at ang high-pressure area.
Ayon naman kay weather Forecaster Mario Palafox, magiging aktibo ang pagpasok ng HPA sa Luzon at mahaharangan nito ang pagpasok ng hanging amihan. Dahil sa HPA sa Luzon ay magbabago ang direksyon ng hangin na mula sa silangan at katimugan.
“And this shift in wind pattern signifies the start of warmer days,†dagdag ni Palafox.
Ang HPA ay ang kabaligtaran ng low-pressure area (LPA) na may dalang mainit na hangin mula sa karagatang Pasipiko.
Aniya, ang HPA at easterlies ang magdadala ng mainit na temperature at magandang panahon sa bansa sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Palafox na maaaring umabot sa 35 degrees Celsius ang temperatura bago matapos ang buwan, at maaaring mas tumaas pa ito sa susunod na buwan.
Pero sinabi ni Palafox na maaari pa rin makaranas ng pag-ulan tuwing hapon o gabi dahil sa localized thunderstorms o convections.
"Weather conditions will be mostly sunny associated with warm and humid air in most parts of the country aside from isolated rain showers and thunderstorms,†ani Palafox.
Umaasa din ang PAGASA sa “zero to one†na bagyong makakaapekto sa bansa ngayong buwan, dagdag ni Palafox.