5 rebelde sugatan sa North Cotabato
MANILA, Philippines – Sugatan ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makaengkwentro ang mga sundalo sa Makilala, North Cotabato.
Sinabi ni 1st Lt. Nash Sema, tagapagsalita ng 57th Infantry Battalion ng Army, inabutan ng mga sundalo ang mga rebelde sa Sitio Kawayanon, Barangay Luayon.
Ani Sema, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga residente na kinikikilan sila ng mga rebelde.
Sinabi ng opisyal na kinumpirma sa kanila ng mga lokal na opisyal na ang nakaengkuwentro ng mga sundaly ay nabibilang sa Guerilla Front 72 ng NPA.
Ilang kampo ng NPA sa Makilala, Magpet, Arakan at President Roxas sa North Cotabato ang nakuha na ng mga militar sa kanilang operasyon noong nakaraang taon.
Inamin ni Sema na wala silang eksaktong bilang ng mga nasugatang rebelde at ang naturang bilang ay base lamang sa ulat sa kanila ng mga nakasaksing residente.
Narekober naman ang mga sundalo ng isang M16 rifle na may mantsa ng dugo.
- Latest
- Trending