Miyembro ng Kiram clan nakipagpulong kay Mar
MANILA, Philippines – Nakipagpulong ngayong Lunes kay Interior Secretary Mar Roxas ang isang kapatid ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III upang humanap ng solusyon sa kaguluhan sa Sabah.
Tikom naman ang bibig ni Sultan Bantillan Esmael Kiram sa napag-usapan nila ni Roxas.
"We have sat down in order to find ways and means para ma resolve ang problema natin doon sa Sabah. Hindi pa kami puwede makasabi kung ano pinag-usapan namin because ire-report ito sa ating Pangulo," ani Bantillan matapos ang pulong nila ni Roxas sa Kampo Crame sa Quezon City.
Tiniyak naman ni Bantillan na alam ng kanyang kapatid na si Jamalul na talagang gusto niyang makipagpulong kay Roxas upang makahanap ng magandang solusyon sa krisis sa Sabah.
Nagsimula ang gulo sa Sabah nang tumanggi ang kapatid nina Bantillan at Jamalul na si Agbimuddin Kiram na lisanin, kasama ang kanyang mga tauhan, ang Lahad Datu.
Dumating sa Lahad Datu ang grupo ni Agbimuddin noong Pebrero 11 upang igiit ang karapatan ng sultanao sa pag-aari ng isla.
Sa ulat ng gobyerno ng Malaysia, umabot na sa mahigit 60 ang namamatay sa panig ng grupo ni Agbimuddin. Iginiit naman ng sultanato na mahigit 10 pa lamang ang kumpirmado nilang nasasawi sa kanilang mga tauhan.
- Latest
- Trending