7 sugatan sa pagsabog sa Rizal police headquarters
MANILA, Philippines – Matinding pagsabog ang sumalubong ngayong Lunes ng umaga sa Rizal Police Provincial Office (PPO) kung saan pito ang iniwang sugatan.
Sinabi ni Senior Superintendent Rolando Anduyan, Rizal PPO director, kabilang sa mga sugatan ay ang 7-taong-gulang na si Ronalyn Abrido.
Papasok sa eskuwelahan si Abrido at naglalakad sa tabi ng headquarters ng Rizal PPO sa Barangay Dolores nang mahagip ng pagsabog na naganap pasado 6 ng umaga.
Naganap ang pagsabog sa mismong Explosive and Ordnance Division (EOD) ng Rizal PPO.
Sugatan din sa naturang pagsabog ang tatlong pulis at tatlong fire volunteers na sina Elpidio de Asis, Jaime Valencia at Rommel de Rosa.
Sumugod ang mga fire volunteers sa naturang lugar matapos makatanggap ng ulat na may usok na lumalabas mula sa gusali ng EOD. Papalapit na ang mga bombero nang maganap ang sunud-sunod na pagsabog.
Ayon kay Anduyan, mga granadang gamit ng Special Weapons and Tactics team ang sumabog.
Sinabi ni Anduyan na hindi pa niya mapapasukan ng mga tao ang gusali dahil baka may maganap pang mga pagsabog.
Samantala, inilipat muna ng mga pulis ang mga preso na nakapiit malapit sa gusali ng EOD na nadamay sa pagsabog.
- Latest
- Trending