MANILA, Philippines – Ninakawan at sinaktan ang isang recording artist ng dalawang holdaper kaninang Martes ng madaling araw sa lungsod ng Mandaluyong.
Isinugod sa Polymedic Hospital si Joel Mendoza, recording artist ng Viva, matapos magtamo ng mga sugat sa ulo nang paghahampasin ng baril ng mga holdaper sa tapat ng Metrobank ATM sa kalye ng Libertad.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Mendoza na pasakay na siya sa kanyang sasakyan nang bigwasan siya ng isa sa mga suspek gamit ang baril.
"Papasok na ako sa Rav 4 ko, bubuksan ko na iyong pinto ng bigla akong sinubsob ng isa sa mga suspek. Kinuha agad yung pera sa bulsa ko at tinulak ako 'ibigay mo yung wallet mo! Ibigay mo yung wallet mo!'. Kinukuha ko naman po pero pinupukpok pa ako," sabi ni Mendoza.
Napigilan ng tsuper ni Mendoza ang isang suspek na babarilin sana ang recording artist.
"Pero nagtatakbo na sila...nagdidilim na paningin ko at punong-puno na ng dugo ang katawan ko," sabi ni Mendoza.
Nakatakas ang mga suspek dala ang P20,000 na nakuha mula kay Mendoza.
Bumalik lamang sa bansa si Mendoza, na nakabase na sa San Diego, California, dahil sa ilalabas nilang album ng composer na si Vehnee Saturno.