Mabagsik na virus kumakalat sa shrimp farms
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ngayong Biyernes hinggil sa kumakalat na nakamamatay na sakit ng mga hipon na maaaring pumatay sa buong industriya nito sa Pilipinas.
Ayon kay BFAR Dagupan regional director Nestor Domenden, natuklasan ng mga dalubhasa at trabahador ang White Spot Syndrome Virus (WSSV) mula sa mga hipon sa ilang shrimp farm sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Domenden na kayang patayin ng virus ang lahat ng hipon sa isang farm sa loob lamang ng dalawa o tatlong araw at maaaring pumatay sa industriya ng hipon sa bansa.
Ang Pilipinas ang pangatlong pinakamalaking exporter ng hipon sa mundo.
Hinimok ni Domenden ang mga nangangalaga sa farm na panatilihin ang kalinisan at ugaliing tingnan kung mayroong puting marka ang ulo at buntot ng hipon na senyales na may WWSV ito.
Pinaniniwalaang nagmula ang virus sa mga hindi rehistradong farm sa Pangasinan o Zambales.
Sinabi ni Domenden na pinulong na ng BFAR ang mga shrimp farm owners gayundin ang mga fishery technicians upang ipagbigay alam kung paano maiiwasan ang pagkalat ng virus.
- Latest
- Trending