Fil-Canadian na sanggol, yaya dinukot sa Zamboanga
MANILA, Philippines – Dinukot ng mga armadong lalaki ang isang sanggol na Filipino Canadian at ang kanyang babysitter sa lungsod ng Pagadian sa Zamboanga del Sur, Huwebes ng umaga.
Kinumpirma ni Superintendent Julius Muñez, hepe ng Pagadian City police office, ang panibagong kidnapping sa lungsod ngunit tumangging magbigay ng ibang detalye dahil sa ginagawang operasyon upang mabawi ang mga biktima.
Kinilala ang Fil-Canadian na sanggol na si Timothy Sokolob at ang kanyang babysitter na si Caroline Remetre.
Naglalakad-lakad sa Rosario Homes Subdivision sa sa distrito ng Dao ang mga biktima nang dukutin ng mga armadong lalaki bandang 9 ng umaga.
Sakay ang mga suspek ang isang asul na kotse nang tumakas bitbit ang bata at ang kanyang yaya.
Sinabi ng mga pulis na maaaring iisang grupo lamang ang dumukot sa mga biktima at nanloob sa kanilang bahay noong Enero 24.
Nananatiling positibo naman si Chief Superintendent Juanito Vaño, direktor ng Police Regional Office 9 (PRO), na madaling maililigtas ang mga biktima.
Tinukoy ni Vaño ang pangingidnap noong Disyembre 9 sa isang anim-na-taong-gulang na bata na si Dennis Lean Solon sa Baranggay San Jose at kaagad din nailigtas sa bayan ng Auro sa Zamboanga del Sur ilang oras lamang matapos ilarma ang ibang police units.
- Latest
- Trending