13 plantasyon ng marijuana sa Benguet sinunog
MANILA, Philippines – Umabot sa 13 plantasyon ng marijuana ang nadiskubre at sinira ng mga pulis at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Benguet sa loob lamang ng tatlong araw.
Sinabi ng PDEA ngayong Miyerkules na ang 13 plantasyon ay nadiskubre sa mga Sitio Ampawan, Sitio Saguilip, at Sitio Baukok, na pawang nasa baranggay Badeo, bayan ng Kibungan at may sukat na 2,754 metro kuwadrado.
Umabot sa 18,000 piraso ng marijuana plants at 7,500 punla ng marijuana na may tayang halaga na P4 million, ang nakuha ng mga pulis at mga ahente ng PDEA sa operasyon.
Nadiskubre ng mga operatiba ng PDEA Regional Office-Cordillera Administrative Region at Kapangan Police ang mga halaman at punla ng marijuana mula noong Enero 24 hanggang 26, ayon kay PDEA director general Arturo Cacdac Jr..
Sinabi ni Cacdac na agad ding sinunog ng mga ahente ang mga nasamsam na droga.
- Latest
- Trending