2 baril bitbit ng Canadian shooter sa korte ng Cebu

 

MANILA, Philippines – Dalawa ang bitbit na baril ng Canadian national na nakapatay sa isang doktor at abogado sa hall of justice ng Cebu City ngayong Martes ng umaga.

Gamit ng 63-anyos na suspek na si John Pope ang isang .357 revolver nang mamaril siya sa Marcelo Fernan Memorial Hall of Justice bandang alas-8 ng umaga.

Dinidinig ang kasong malicious mischief ni Pope sa Municipal Trial Court of Cities (MTCC) Branch 6 nang pagbabarilin niya ang complainant na si Dr. Rene Rafols at abogado si Giovannie Achas.

Pagkatapos ng mapaslang ang dalawang biktima, lumipat si Pope sa isa pang sala ng MTCC kung saan nabaril niya si Assistant Prosecutor Maria Teresa Casiño, na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo.

Ayon sa mga ulat, may dalawa pang cubicle sa MTCC ang pinasok ni Pope. Hanap din umano ng suspek ang dalawa pang piskal na may hawak sa iba pa niyang kaso.

Papalabas na si Pope nang maabutan siya at mabaril ng mga rumespondeng pulis. Ayon sa mga ulat, nagbaril sa ulo ang Canadian national matapos siyang barilin ng mga pulis.

Bukod sa hawak na baril, nabawi rin sa bag na dala-dala ni Pope ang isang .45 pistola.

Hindi pa batid kung parehong lisensyado ang dalawang baril na nasamsam sa Canadian national.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung paano naipuslit ni Pope ang mga baril sa kabila ng umano'y mahigpit na seguridad na ipinapatupad sa naturang gusali.

Show comments