9M deboto dumalo sa pista ng Itim na Nazareno
MANILA, Philippines – Matapos ang 18 oras, naibalik na ng milyong milyong deboto ang karo ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand sa Luneta Park patungong Quiapo church sa Maynila.
Naipasok ang imahe ng Itim na Nazareno sa loob ng simbahan bandang 1:31 ng umaga ngayong Huwebes.
Nagsimula ang taunang prusisyon bandang 7:30 ng umaga kahapon mula sa Quirino Grandstand matapos ang banal na misa na pinangunahan ni Manila Archbishop Antonio Cardinal Tagle.
Inikot ang karo ng Itim na Nazareno sa mga kalsada ng Maynila ng nasa 500,000 deboto na pawang mga nakapaa bilang tandan ng kanilang debosyon.
Ayon sa mga awtoridad, nasa siyam na milyong katao ang tumungo ng simbahan ng Quiapo at sumali sa pista ng Nazareno.
Noong nakaraang taon ay inabot ng 22 oras ang prusisyon bago naibalik ang imahe ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand patungong Quiapo Church matapos itong maantala nang ilang beses, kabilang ang pagkasira ng gulong ng karo.
Samantala, iniulat ng Philippine Red Cross (PRC) na umabot sa 1,484 katao ang kanilang binigyan ng lunas na pawang mga lumahok sa selebrasyon ng Nazareno.
Anila, 816 dito ang nagtamo ng minor injuries, habang 36 lamang ang seryosong naapektuhan, 11 katao ang kinailangang dalhin sa ospital.
- Latest
- Trending