MANILA, Philippines – Nahuli na ang binatilyong sinasabing nakabaril sa isang apat-taong-gulang lalaki sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Director Leonardo Espina, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nasakote ng mga pulis sa Mandaluyong City si Emmanuel Janabon, 19, noong Martes ng gabi.
Si Janabon umano ang nagpaputok ng sumpak na aksidenteng tumama kay Ranjelo Nimer, residente ng Welfareville Compound, Barangay Addition Hills, Mandaluyong.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa kay Janabon.
Naunang naiulat na umabot na sa 11 ang biktima ng ligaw na bala sa Metro Manila.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Superintendent Generoso Cerbo, umabot sa 40 katao ang mga biktima ng ligaw na bala sa buong bansa base sa pinakahuling tala Miyerkules ng umaga.
Aniya, hindi pa kumpleto ang bilang at naghihintay pa rin ang PNP ng mga karagdagang ulat mula sa ibang yunit ng pulisya sa mga probinsya.
Inihayag kahapon ng Department of Healt na nasa 413 katao na ang sugatan dahil sa mga paputok mula Disyembre 21 hanggang Enero 1. Higit sa 200 sa nasabing bilang ang naitala noong bisperas ng Bagong Taon.