Bagong EDSA bus scheme ng MMDA sinimulan
MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Martes ang implementasyon ng bus segregation scheme sa EDSA.
Sa ilalim ng bagong segregation scheme, paghihiwalayin ng MMDA ang mga bus stops sa EDSA para sa mga “A,” “B,” at “C” na mga klase ng bus.
Ang mga “A” na bus na biyaheng EDSA-Alabang ay maaari lamang tumigil, magbaba at kumuha ng pasahero sa “A” bus stops, habang ang “B” na biyaheng EDSA-Baclaran ay maari lamang sa “B” bus stops, at ang “C” ay maaaring tumigil sa lahat ng bus stops.
Pinapayuhan ni MMDA Chairman Francis Tolentino na tingnan muna ng mga tao ang nakalagay sa bus kung “A,” “B,” at “C” bago sumakay.
Ginawa ito ng MMDA upang maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Minarkahan ng MMDA ng “A” bus stops ang: (Southbound) Ermin Garcia, Arayat Cubao, VV Soliven, Connecticut, Shaw Starmall, Guadalupe, Buendia Ave., Mantrade; (Northbound) Ermin Garcia, Cubao Farmers, Boni Serrano, SM Megamall, Shaw Blvd., Guadalupe, Buendia Ave. at Magallanes.
Sa “B” bus stops naman: (Southbound) Kamuning, Monte de Piedad, Main Ave., POEA Ortigas, Pioneer/Boni, Estrella at Ayala Ave. (Northbound) Baliwag/5Star, Main Ave., Ortigas Ave., SM Megamall, Pioneer/Boni, Estrella at Ayala Ave.
Ayon sa MMDA, higit 3,600 na mga city bus ang binabagtas ang EDSA araw-araw, habang 7,368 na provincial bus ang dumadaan dito.
Ang mga city bus ay maaari lamang dumaan sa yellow lane ng EDSA o ang dalawang parte ng kalsada na malapit sa bangketa.
“With this bus stop segregation scheme, bus congestion in the yellow lane as well as accidents will hopefully be reduced. There won't be a reason for all buses to fight over one bus stop anymore," sabi ni Tolentino. Mike Frialde
- Latest
- Trending