Price freeze sa mga nasalantang lugar - DFA
MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Huwebes ang pagpapatupad ng “price freeze” sa mga lugar na binayo ng bagyong Pablo.
Ayon kay DTI Undersecretary Zenaida Maglaya, partikular na naka-freeze ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Sakop ng price freeze ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng sardinas, gatas, kape, asukal, asin, bigas at instant noodles.
Nasa ilalim ng state of calamity ang mga probinsya ng Surigao del Sur, Davao Oriental, at Compostela Valley, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Higit sa 200 katao ang kumpirmadong namatay at daan-daan din ang bilang ng mga nawawala mula sa tatlong probinsya.
Ayon pa sa ulat sa radyo nasa ilalim din ng state of calamity ang Cebu, Negros Oriental at Misamis Oriental.
- Latest
- Trending