Isa pang Pinoy patay sa Louisiana oil rig blast
MANILA, Philippines – Isa na namang Pinoy ang kumpirmadong nasawi sa pagsabog ng oil rig sa Louisiana noong Nobyembre 16.
Sinabi ni Philippine Ambassador sa United States na si Jose Cuisia na natagpuan ang katawan ng ikatlong biktimang Pinoy na si Jerome Malapago noong Lunes, ngunit hindi sila kaagad naglabas ng impormasyon hangga’t hindi pa nila nasisiguro ang pagkakakilanlan.
Nakita ang katawan ni Malapago malapit sa isang oil platform sa golpo ng Mexico, 20 milya ang layo mula sa sumabog na platform na kanyang pinagtatrabahuhan noong nangyari ang insidente.
Dalawa pang Pinoy ang namatay at tatlo ang malubhang nasugatan dahil sa pagsabog.
“We are deeply saddened to learn that we lost our compatriot, Jerome Malagapo,” anunsyo ni Cuisia matapos ipaalam sa kanya ng coroner ng La Fourche Parishna ang katawang natagpuan ay sa 28-anyos nga na biktima na tubong Danao City, Cebu.
“We console ourselves with the thought that Jerome has been found and will be reunited with his loved ones," dagdag ni Cuisia.
Naibalita na ng embahada sa asawa at ama ng biktima ang kumpirmasyong ginawa ng coroner's office. Nakumpirma ang pagkakakilanlan ni Malapago base sa kanyang dental records.
Noong isang araw lamang ay pumanaw ang kapwa manggagawang Pinoy ni Malapago na si Avelino Tajonera, 49, isang welder mula sa probinsya ng Bataan, dahil sa komplikasyon mula sa malubhang pagkakasunog ng balat.
Isa pa sa mga nasawi ay si Ellroy Corporal, 42, ng Iligan City, habang dalawa pang biktimang Pinoy ang nasa kritikal na kondisyon sa Regional Burn Unit ng Baton Rouge General Hospital.
Bumubuti na naman ang kalagayan ni Wilberto Ilagan, 50, welder mula sa Batanggas.
- Latest
- Trending