MANILA, Philippines – Ilang transport operators at mga tsuper ang magpu-protesta sa Biyernes dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa, ayon sa militanteng grupong Piston.
Sinabi ni Piston national president George San Mateo na ang demonstrasyon, kasabay ng ika-149 na kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio, ay magsisimula bandang 8:00 ng umaga sa Welcome Rotonda, Quezon City.
Dagdag ni San Mateo na lalahok ang mga transport group na nasa ilalim ng grupong Kilusang Mayo Uno sa pagmartsa nila mula Rotonda papuntang Plaza Miranda sa Maynila. Tutuloy ang martsa sa Liwasang Bonifacio malapit sa Manila City Hall saka dadaan sa harap ng embahada ng Estados Unidos sa Roxas Boulevard.
Magtatapos ang martsa sa Don Chino Roces Bridge (dating Mendiola Bridge) kung saan sila magsasagawa ng programa at mananawagan kay Pangulong Benigno Aquino III na ibasura na ang Oil Deregulation Law at alisin value-added tax sa mga produktong petrolyo.
Nitong Miyerkules ng umaga, nagsagawa ang mga miyembro ng Piston ng noise barrage sa Cubao, Quezon City upang ireklamo ang bagong pagtaas ng presyo.
Nagtaas ang mga kumpanya ng langis ng P0.70 kada litro sa diesel, P0.60 sa gasolina at P0.50 kada litro sa kerosene.
Noong nakaraang linggo lamang ay nagtaas din ang mga kumpanya ng langis ng presyo ng gasolina at diesel.