P15-M kasong sibil kontra Gloria simula na
MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Quezon City Regional Trial Court Branh 96 ang pre-trial ngayong Biyernes sa P15 milyon na kasong sibil na isinampa ng tinaguriang "Morong 43" laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo at mga opisyal ng militar.
Ang mga health worker na binansagang “Morong 43” ay umapela sa naturang korte na hatulan si Arroyo at mga opisyal ng militar nito para sa paglabag sa human rights.
“We want GMA and her cohorts to pay for their human rights abuses,” pahayag ni Dr. Alex Montes, isa sa mga Morong 43.
Inaresto si Montes at mga kapwa health workers ng mga tauhan ng Philippine Army mula sa isang bahay-bakasyunan sa Morong, Rizal noong 2010.
Inakusahan ng militar ang mga health workers na sumasailalim sa pagsasanay sa paggawa ng bomba. Ayon sa mga awtoridad, nakakumpiska sila sa lugar ng mga gamit sa paggawa ng bomba at mga armas.
Sa kabila ng mga umano'y ebidensyang nakuha ng mga militar, pinawalang sala ang mga akusado at inutusang agad na palayain noong nakalipas na taon.
Kasama si Arroyo sa kaso sina dating National Security Adviser Norberto Gonzales, dating Armed Forces Chief of Staff Gen. Victor Ibrado, dating hepe ng Army Maj. Gen. Delfin Bangit at dating 2nd Infantry Division chief Maj. Gen. Jorge Segovia.
Kabilang din sina Lt. Col. Cristobal Zaragosa, Maj. Manuel Tabion, Col. Aurelio Baladlad, Lt. Col. Jaime Abawag, Supt. Marion Balolong at Supt. Allan Nubleza – na lahat ay nakatalaga sa Camp Capinpin noong inihain ang kaso Abril 2011.
Bukod sa kasong sibil, naka-hospital arrest ngayon si Arroyo dahil sa kasong pandarambong kaugnay sa umano'y maanumalyang paggamit ng P336-milyon na intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Nahaharap din ang dating pangulo sa kasong election sabotage kaugnay naman sa umano'y pandaraya sa eleksyon noong 2007. Dennis Carcamo
- Latest
- Trending