'PNoy walang ginagawa sa Ampatuan masaker' - rights group
MANILA, Philippines – Halos walang ginagawa ang administrasyon ni Pangulong Aquino upang hindi na maulit pa ang brutal na pamamaslang sa 58 katao noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao.
Ayon sa Human Rights Watch (HRW), isang international rights watchdog, na tatlong taon na ang nakakalipas ay halos hindi umusad ang mga kasong nakasampa laban sa mga pangunahing suspek sa masaker, kabilang si dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. at kanyang mga anak.
Ayon pa sa HRW, bagaman nabuwag na ang private army ng mga Ampatuan dahil sa patuloy na pagtugis sa mga miyembro nito, hindi naman umano gumagawa ng paraan ang administrasyong Aquino upang buwagin ang iba pang mga notoryus na private army sa iba-ibang bahagi ng bansa.
“The larger problem is that the Aquino administration has done next to nothing to disband the rest of the country’s private armies,” pahayag ni Brad Adams, HRW Asia director.
Inaalala ni Adams na ang napakabagal ng paglilitis at kabiguan ng mga awtoridad na maaresto ang halos 100 pang suspek sa krimen ay magdulot ng matinding pangamba sa mga testigo at mga kamag-anak ng mga biktima.
Kinikilala ang Maguindanao masaker bilang pinakamalala sa kasaysayan ng Pilipinas dahil winakasan nito ang buhay ng 20 kapamilya at taga-suporta ni Maguindanao Gov. Esmael Mangundadatu, 32 mamamahayag at anim na taong napadaan lamang sa lugar ng masaker.
Ilang miyembro lamang ng pamilyang Ampatuan ang naaaresto at nakasuhan sa pagpatay habang ang iba ay nagtatago pa rin.
“Of the 197 identified suspects, only 99 have been arrested. Of that number, 81 have been indicted,” sabi ni Adams.
Binanggit ng HRW na ilan sa mga kamag-anak at mga testigo ang nagkukuwento na nakakatanggap sila ng pananakot at suhol. May mga ulat din na tatlo sa mga testigo ay pinatay na.
Sabi ng HRW na naglalaro sa 2,000 hanggang 5,000 ang mga miyembro ng private army ng mga Ampatuan. Ang pagkakabuo nga private army ng mga Ampatuan ay protektado ng Executive Order 546 na pinirmahan upang maging batas noong 2004 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
“The Maguindanao Massacre brought to light the dangers posed by private armies, militias, and paramilitaries in the Philippines, but the administration of President Benigno Aquino III has not seriously addressed the problem,” daing ng grupo.
“With one stroke of a pen, he can make good on his commitment for the good of all Filipinos,” dagdag ni Adams. Camille Diola
- Latest
- Trending