Leonen bagong SC associate justice
MANILA, Philippines – Inihayag ng Malacanang ngayong Miyerkules na itinalaga na ni Pangulong Benigno Aquino III si chief peace negotiator Marvic Leonen bilang associate justice ng Korte Suprema.
Ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda, ang pagtatalaga kay Leonen sa Korte Suprema ay bahagi ng mithiin ng administrasyong Aquino na magkaroon ng reporma sa hudikatura.
Uupuan ni Leonen ang nabakanteng puwesto ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Kabilang sa mga inirekomenda ng Judicial and Bar Council para sa puwesto sina dating kalihim ng Department of Energy Raphael Lotilla, Court of Appeals (CA) presiding Justice Andres Reyes Jr., Justice Rosmari Carandang, CA Justices Jose Reyes Jr. and Noel Tijam at dekano ng De La Salle University law Jose Manuel Diokno.
Samantala, tiniyak ni Lacierda na hindi maaapektuhan ng pagkakatalaga ni Leonen ang usapang pangkapayapaang isinusulong ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Si Leonen ang pinuno ng peace negotiating panel ng pamahalaan sa grupong MILF.
Ayon kay Lacierda, inatasan na ng Pangulog Aquino si Presidential Peace Advisory Teresita Deles na maghanap na ng ipapalit kay Leonen.
- Latest
- Trending