'Takbo ng Maguindanao massacre case, masyadong mabagal'
MANILA, Philippines – Patuloy ang pagdaing ng mga kamag-anak ng mga biktima ng Maguindanao masaker dahil sa usad-pagong na takbo ng kaso.
Sa isang media briefing ngayong Miyerkoles sa University of the Philippines-Law Center sa Diliman, Quezon City, nanawagan ang mga kamag-anak ng mga biktima kay Presidente Benigno Aquino III at sa Department of Justice para sa mabilis na paggalaw ng kaso.
"Sobrang bagal po. Madaming tanong sa kaisipan na pumasok. Patas ba ang batas dito sa Pilipinas? Fifty-eight po ang pinatay. Brutally killed. Pakiramdam po namin pinaikot-ikot lang," sabi ni Monette Salaysay, asawa ni Napoleon Salaysay na isang miyembro ng media.
Sinabi pa ni Salaysay nang marinig niya ang balitang isasakdal na ang dating ARMM governor Zaldy Ampatuan ay napigilan pa ito.
"Ang layo po ng hustisya sa mga biktima," dagdag niya.
Nanawagan naman si Noemi Parcon, asawa ng mamahayag na si Joel Parcon na biktima rin ng masaker, sa Quezon City Regional Trial Judge Jocelyn Solis-Reyes dahil tatlong taon na ang binibilang ng kaso.
Aniya, ang mga testimonya at mga ebidensya na iniharap sa korte ay sapat na upang magbigay na ng pasya ang korte.
"Gawan na nila ng decision. Pwede na nilang gamitin ang mga testimonya at ebidensya whether guilty or not guilty ang mga Ampatuan," pahayag ng biyuda ng mamahayag.
Ikinakatakot din ng mga kamag-anak ng mga biktima na baka patay na sila ay hindi pa rin nadidesisyunan ang kaso.
"Baka mamaya patay na kami pero hindi pa rin natatapos ang kaso at hindi pa namin nakakamit ang katarungan," pahayag ng mga pamilya. Dennis Carcamo
- Latest
- Trending