Win no. 6 target ng Creamline
MANILA, Philippines — Hahatawin ng nagdedepensang Creamline ang ikaanim na sunod na arangkada sa pagharap sa Nxled sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sasagupain ng Cool Smashers ang kulelat na Chameleons ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng Cignal HD Spikers at PLDT High Speed Hitters sa alas-6:30 ng gabi.
Huling biniktima ng Creamline (5-0) ang Capital1 Solar Energy (1-6) mula sa kanilang 25-19, 25-19, 25-18 panalo.
“I think it’s a good, good sense of family and teamwork ‘yung nangyayari most especially this conference kasi ‘yung paikot talaga ni coach Sherwin (Meneses) knowing na kung ano ‘yung mas makakatulong at mas effective na strategy in that specific game,” ani outside hitter Alyssa Valdez.
Muling makakatuwang ni Valdez sina Jema Galanza, Tots Carlos, Michele Gumabao, Bernadeth Pons at Kyle Negrito.
Ang kauna-unahang panalo naman ang hangad ng Nxled (0-7) na huling natalo sa Akari Chargers (4-4), 25-21, 20-25, 24-26, 18-25.
Sina Chiara Permentilla, EJ Laure, Lucille May Almonte, Lycha Ebon at Sheila Pineda ang muling gagabay sa Chamleons.
Samantala, ang ikalawang sunod na panalo ang target ng Cigal (5-1) sa pagharap sa PLDT (4-3).
Pumalo ang HD Spikers ng 25-17, 25-20, 25-19 panalo sa Galeries Tower Highrisers (1-6), habang na kalasap ang High Speed Hitters ng 25-21, 25-22, 25-18, 25-18 kabiguan sa Choco Mucho Flying Titans (5-3).
- Latest