Road Warriors ayaw isuko ang laban
MANILA, Philippines — Hangga’t mabibigyan ng pagkakataon ay kukunin ito ng NLEX para makapasok sa eight-team quarterfinal round ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Binuhay ng Road Warriors ang kanilang pag-asa matapos talunin ang Rain or Shine Elasto Painters, 122-110, para sa ikalawang sunod na ratsada noong Sabado.
Pinaganda ng tropa ni coach Jong Uichico ang kanilang kartada sa 5-6 katabla ang Magnolia kasunod ang nanganganib na San Miguel (5-7).
“Bago nag-start ‘yung game, sabi ni coach (Uichico), wala nang bukas. So naka-focus lang talaga kami this game,” ani Robert Bolick na nagpaputok ng game-high 40 points sa panalo ng NLEX sa Rain or Shine (6-5).
“Alam namin ‘yung team sa kabila, desperado rin sila. Mas desperado kami. Kapag isang talo, wala na kami. At least, may chance ulit kami,” dagdag ng 32-anyos na scoring guard.
Sunod na lalabanan ng Road Warriors ang Hong Kong Eastern bukas sa Smart Araneta Coliseum para sa kanilang huling elims assignment.
“So ganoon din ang sitwasyon namin kagaya ngayon: must win din kami. Para at least, nandoon kami sa eighth or seventh spot,” wika ng No. 3 overall pick ng NorthPort noong 2018 PBA Draft.
Kagaya ng NLEX, asam din ng Magnolia ang quarterfinal spot.
Umiskor ang Hotshots ng 107-78 panalo laban sa Eastern noong Linggo para sa kanilang back-to-back wins.
“The goal is to survive. Now we live another day and we will try to prepare again for our next game,” wika ni coach Chito Victolero sa Magnolia na nagmula muna sa 110-104 paggiba sa sibak nang Phoenix.
Nakatakdang sagupain ng Hotshots ang Meralco Bolts (7-3) sa Biyernes.
Kung kapwa mananalo ang NLEX at Magnolia ay paglalabanan nila ang No. 8 spot sa quarterfinals.
- Latest