Mangingisda kinarne ng 3 magsasaka
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang mangingisda matapos na pagtulungang tagain ng tatlong magsasaka na nakatalo nito habang nanonood ng basketball sa Sitio Centro, Barangay Don Juan Vercelos, San Francisco, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Mistulang tinadtad na karne ng hayop ang katawan ng biktimang si Eufemio Buquil, 61, may-asawa, residente sa nasabing barangay habang tinutugis na ang mga suspek na sina alyas Angelo, alyas Nono at alyas Jomar, mga residente rin sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng San Francisco PNP, alas-7:00 ng gabi ay nanonood ng liga ng basketball ang biktima nang lapitan ng tatlong suspek at ilang sandali nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang bumunot ng gulok ang mga suspek at pinagtulungang pagtatagain ang biktima.
Nang naliligo na sa sariling dugo ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga salarin bitbit ang mga gulok.
Sinampahan na ng kasong murder ang mga suspek kasabay ng pagtugis sa kanila ng mga otoridad.
- Latest