ASEAN authorities inalerto na kay Guo
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Senador Win Gatchalian na inalerto na ang iba’t ibang mga otoridad sa mga bansa sa Southeast Asia na maging mapagmatyag sa presensya ni dating Bamban Mayor Alice Guo, na lumayas ng Pilipinas kasabay ng imbestigasyon sa kanyang kaugnayan sa illegal gambling syndicates sa bansa.
Si Guo ay huling nakita sa bansa noong Hulyo, na pinaniniwalaang tumakas sa isang resort sa pamamagitan ng speedboat.
Ngayong buwan, kinumpirma ng mga otoridad na nakita si Guo sa tatlong iba’t ibang bansa sa Southeast Asia, na ang pinakahuli ay sa Indonesia.
“Kanina ‘yung mga ASEAN ambassadors nakausap ko at sabi nila nakaalerto na rin ang kanilang mga otoridad so mahihirapan siya makagalaw sa ASEAN,” ani Gatchalian.
Noong nakaraang linggo, naaresto sa Batam, Indonesia ang kapatid ni Guo na si Shiela at ang kanilang kasamang si Cassandra Li Ong na nagrerepresenta sa ni-raid na Lucky South 99 gambling hub sa Pampanga.
Lumipad ang mga ito pabalik ng Pilipinas na inaasahang haharap sa pagdinig ng Kongreso ngayong linggo.
“Wala na silang pupuntahan so mas maganda pang sabihin nila paano nabuo itong POGO hub sa Porac, paano nabuo itong POGO hub sa Bamban, paano nakapasok dito si Alice Guo at ang kaniyang pamilya,” ani Gatchalian.
- Latest