Modernisasyon ng Phivolcs, isinusulong ni Salceda
MANILA, Philippines — Masugid na isinusulong ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Pinuri niya ang pagpasa ng Bicameral Conference Committee (Bicam) ng Kongreso sa panukalang batas na ‘Philvolcs modernization.’
Isa si Salceda sa mga pangunahing may-akda ng panukalang batas. Kasama rin siya sa Bicam at pinasalamatan niya ang chairmen nitong si Rep. Carlito Marquez sa pagtanggap sa kanyang mga karagdagang suhestiyon at kumento. “Pinasasalamatan ko rin ang mga katapat naming mula sa Senado,” dagdag niya.
Kapag naging batas ang naturang panukala, magiging makabago ang mga kagamitan at instrumento ng Phivolcs, madadagdagan ang mga ‘seismic stations’ nito, matataasan ang pondo ng ahensiya at lalong maisasaayos ang sahod ng mga tauhan nito.
Ayon kay Salceda, ang pagsasabatas ng panukalang gawing makabago ang Phivolcs ay napakahalaga sa bansa, lalo na sa mga lalawigan na tuwina’y nahaharap sa matinding banta ng pagsabog ng bulkan, gaya ng Albay kung saan maraming buhay ng tao ang nailigtas ng ahensiya.
“Nuong nakaraang mga taon kung kailan pinamunuan ni DOST Secretary Renato Solidum ang Phivolcs, at natulungan niyang iligtas ang maraming buhay sa Albay, nangako akong sisikapin kong makatulong sa pagkilos upang maging makabago ang Phivolcs. Sana natupad ko ang aking pangako,” salaysay ng mambabatas.
Binigyang diin ni Salceda na “mabibigyan tayo ng isang makabagong Phivolcs ng higit na malinaw na pananaw at kaalaman sa mga bantang kinakaharap natin at mabawasan din ang pang-ekonomiyang halaga ng pananalasa ng mga bulkan at lindol” na lubhang napakabigat.
Ayon sa kanya, noong 1992-1996 kung kailan matinding sinalasa ng mga lindol at pagsabog ng bulkan ang ilang bahagi ng bansa, ang tinayang kasiraang tinamo ng Pilipinas ay umabot diumano sa $2 bilyon na ngayon ay katumbas na ng $6.25 bilyon, o nakakalulang P343 bilyon.
Pinuna din ni Salceda na ayon sa pagtasa ng NEDA, P6.6 bilyon ang nilusaw ng pagsabog ng bulkang Taal noong 2020 lamang. Lubhang napakahalaga rin ang gagawing modernisasiyon ng Phivolcs sa mga taga-Negros na nahaharap ngayon sa panganib ng kasalukuyang uma-alborotong bulkan ng Kanlaon.
Layunin ng ‘DOST-Phivolcs modernization law,’ ayon kay Salceda, ang lalong pahusayin ang kakayanan ng mga tauhan ng ahensiya, gawing lalong makabago at episyente at mabisa ang mga sistema at kagamitan nito, at maging kasukat ito sa mga pamantayan sa buong daigdig.
Sa pamamagitan ng mga ekspertong pag-aaral ng Phivolcs, mabibigyan nito ang publiko ng mga akmang abiso at payo, makapaghahanda at makapagtatalaga din ang mga local government units’ (LGUs) ng mga kaukulang pagbabawal upang ilayo ang mga mamamayan sa kapahamakan, paliwanag ng mambababatas.
- Latest