28K Pinoy nurses kumuha ng US licensure exam noong 2024
MANILA, Philippines — Dahilan sa mataas na suweldo at mas maginhawang pamumuhay, umaabot sa 28,258 graduates ng Bachelor of Science in Nursing (BSN) sa Pilipinas ang kumuha ng US licensure examinations sa kauna-unahang pagkakataon noong 2024 sa pag-asang makakuha ng mas magandang employment sa Amerika.
Ito ang pagkabahalang sinabi ni Quezon City 5th District Rep. Marvin Rillo, Vice Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education na sinabing dahilan sa mas mababa at kulang na kulang na suweldo ng mga nurses sa bansa ay nanatiling mataas ang bilang ng mga Philippine-educated nurses na nais magpraktis ng kanilang propesyon sa Estados Unidos.
“We are effectively pushing our nurses away due to low pay here at home,” punto ng mambabatas kung saan sa kaniyang pagtaya ay nasa 54% ng mga BSN graduates mula sa Pilipinas ang kumukuha at naipapasa ang US licensure exam sa unang pagtatangka habang 36% ng mga umuulit ng test ang nakakapasa rin.
Base sa data mula sa U.S. National Council of State Boards of Nursing Inc., sinabi ni Rillo nasa 5,869 nursing graduates mula sa India ang kumuha rin sa unang pagkakataon ng US licensure exam noong 2024 habang 3,740 mula sa Kenya; 2,662 sa Nepal at 2,636 mula sa South Korea.
Si Rillo ang nagsusulong at may akda ng House Bill (HB) No. 5276 na naglalayong itaas ang basic monthly pay ng entry-level government nurses ng 74% o P70,013 (Salary Grade 21).
Aniya, sa kasalukuyan ay tumatanggap lamang ng P40,208 basic pay sa bansa ang mga Pinoy nurses na nasa Salary Grade 15.
Kung anya hindi kikilos ang pamahalaan ay magkakaroon ng kakulangan sa mga nurses na nasa 127,000 na posibleng umabot pa sa 250,000 sa taong 2030, ayon na rin sa pagtaya ng World Health Organization.
- Latest