Rice cartels, smugglers sampulan - Mayor Binay

MANILA, Philippines — Sinabi ni Makati ­Mayor Abby Binay na dapat sampulan ng gob­yerno ang rice cartels at smugglers bilang bahagi ng mga hakbang para pigilan ang manipulasyon ng presyo ng bigas.

Ayon kay Mayor Abby, sa rami ng mga batas laban sa cartel at profiteering, dapat may naipakulong nang rice smuggler at price manipulator. Kapag may nahuhuling smugglers naman, hindi sila inilalantad sa publiko at sinasabi lang na iba-blacklist sila.

Dagdag pa nya, hangga’t wala pang nasasampulan nang ma­tindi, paulit-ulit lamang na gagawin ng mga cartel o sindikato ang pagmanipula ng presyo ng bigas at iba pang mga bilihin.

Aniya pa, makakatulong ang deklarasyon ng isang national food security emergency sa pagpigil sa pagtaas ng retail prices ng bigas, pero pansamantalang solus­yon lamang ito. Diin niya, hangga’t hindi tuluyang nawawala ang middlemen, hindi mapapababa ang presyo ng bigas.

Sinabi ni Mayor Abby na dapat bilhin ng gob­yerno ang ani ng mga magsasaka para hindi na ito dumaan pa sa mga middleman. Sinabi niyang ang yumayaman lang dito ay ang middlemen.

Nitong nakaraang taon, nilagdaan ni President Ferdinand Marcos, Jr. ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act o AGES na nagpapataw ng mas matinding kaparusahan sa mga smuggler at hoarder ng mga produktong pang-agrikultura, kasama ang mga cartel.

Bukod sa multang katumbas ng limang beses ng halaga ng smuggled o hoarded na agricultural o fishery products, nahaharap din sa habambuhay na pagkabilanggo ang mga mapapatuna­yang lumabag sa naturang batas.

Show comments