Pres. Marcos sa DHSUD, NHA…
MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) at National Housing Authority (NHA) na magsagawa ng pagsususri sa mga disenyo ng pabahay na tumutugon sa climate change.
Ang kautusan ay ginawa ng Pangulo sa ceremonial turnover ng Yolanda Permanent Housing program kung saan simbolikong ibinigay ang susi sa mga lokal na pamahalaan ng walong munisipalidad sa Eastern Visayas at tatlong napiling benepisyaryo ng mga bahay.
‘’Sa DHSUD at sa NHA, inaasahan ko na palalawigin pa ninyo ang pagtuklas at paggamit ng mga disenyo ng pabahay na mas matibay pa, at mas angkop sa pagbabago ng klima at hamon ng panahon,’’ pahayag pa ni Marcos.
Pinayuhan din ng Pangulo ang mga benepisyaryo na ingatan ang housing units na ibinigay sa kanila.
Aabot naman sa 3,517 housing units para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas ang ibinigay ng Pangulo.
Bahagi ito ng recovery programs na inilatag ng administrasyon para sa mga biktima ng kalamidad.
Maaari na ngayong tumira ang mga residente sa mga housing units sa Cool Spring Residences, Mont Eagle Ville Subdivision, Coconut Grove Village, Dagami Town Ville at Pastrana Ville.
Handa na ring tirhan ang mga pabahay sa Marabut Ville Sites 1 and 2 sa Samar pati na ang Culaba Housing Project sa Biliran.