MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibleng pagpapatupad ng suspensiyon sa deployment ng mga OFW sa Kuwait, kasunod ng panibagong insidente ng pagkamatay ng isa na namang manggagawang Pinoy doon kamakailan.
Ayon kay Cacdac, kasalukuyan na nilang nirerepaso ang deployment policies sa Kuwait upang makapagsagawa ng kaukulang aksiyon hinggil dito.
Ani Cacdac, ang posibilidad ng pag-restrict at suspensiyon ng deployment ay palagi namang kabilang sa mga opsiyon na kanilang ikukonsidera.
Gayunman, nilinaw niya na ito ay sasailalim pa sa pagrepaso at pagtalakay sa kanilang Kuwaiti counterparts.
Nauna rito, isa na namang Pinay sa Kuwait, na kinilalang si Jenny Alvarado, ang nasawi sa Kuwait dahil sa suffocation noong Enero 2.
Noong Enero 10, ipinauwi ang bangkay ni Alvarado ngunit laking pagkadismaya ng pamilya nito nang makitang maling bangkay ang inihatid sa kanila.
Masusi na rin namang iniimbestigahan ng DMW ang naturang insidente upang matukoy kung sino ang dapat na managot dito.
Nitong Huwebes naman ay tuluyan nang naiuwi ang tunay na bangkay ng OFW sa kanyang pamilya.
Nakatakda umanong isailalim ang bangkay sa awtopsiya upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito.
Sinabi naman ni Cacdac na hinihintay pa rin nila ang resulta ng awtopsiya na isinagawa ng pulisya ng Kuwait sa mga labi ni Alvarado.